Isa sa mga pundasyon ng pag-unlad ng komunidad ay ang mga kababaihan. Sila ang ehemplo ng karangalan, kabutihan at ang tinuturing na ilaw ng tahanan.
Sa paggunita ng kadakilaan, apat na pu’t dalawang (42) makapangyarihang kababaihan mula sa ibat-ibang munisipalidad ng Lanao del Norte, Lanao Del Sur, at mula sa syudad ng Iligan ang dumalo sa isinagawang Cluster-Based Learning Review-Women noong ika-6 hanggang ika-8 ng Setyembre, 2019 sa Minkai Resort, Initao, Misamis Oriental.
Layunin ng aktibidad na palawakin ang oportunidad ng mga kababaihan sa bawat komunidad. Bago naisagawa ang pagtukoy sa iba’t ibang oportunidad, dumaan ang mga kalahok sa iba’t ibang diskusyon na dinisenyo upang maibahagi nila ang mga suliraning kinakaharap ng mga kababaihan sa lipunan. Ang aktibidad ay ginawa sa pamamagitan ng pagklaster ng mga kalahaok na kabilang sa sektor ng Barangay Local Government Unit (BLGU), Survivors/IDPs, at Host community.
Ilan sa mga natukoy ng mga partisipante hinggil sa mga isyu o suliraning kinakaharap ay una, ang kawalan ng pansin at kakulangan ng suporta sa mga homebased o nakikitirang IDPs. Habang tumatagal ay hindi na nararamdaman ng mga kababaihan ang suporta mula sa gobyerno o mga pribadong sektor. Sumunod ay and kakulangan sa pangkabuhayan ng bawat pamilya. Hinanaing ng mga ina ng tahanan ang araw-araw na kakulangan sa panggasto ng pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan. Hindi maikakaila na hindi parin sapat ang kinikita ng kaning mga asawa. Mayroon ding mga ina na nagsilbi naring ama ng pamilya. Isa pa ay ang kinakailangang suporta sa organisasyon ng mga kababaihan. Daing ng karamihan ay ang maiging suporta sa pamamagitan ng programa at pagsasanay na lubhang kailangan sa pagkakaroon ng negosyo at pananarbaho.
Isinagawa rin nila ang makabuluhang aktibidad partikular sa papel ng mga kababaihan sa mga tuntunin nito sa aspeto ng kultura, pampulitika at pang-ekonomiya pati na rin ang bahagi nila sa pagpigil ng mga karahasan, terorismo at ekstremismo.
Binigyan nila ng importansya ang kanilang sariling mga tinig at nagbigay ng mga adhikain para sa buong kababaihan hindi lamang sa Marawi Cit kundi sa kani-kanilang pamayanan. Ito ay naka-sentro rin lalo na ang mga hamon na kanilang pinagdaanan pati na rin ang kanilang mga nagawa, simple man o mahirap, na hindi kinilala ng marami.
“Hindi natin pwedeng iasa lahat sa mga partner NGOs. Kasi hindi naman sila ang diyos na magbibigay ng lahat na pangangailangan natin. Ang atin lang ay sana magpasalamat tayo kung may training kagaya ng mga life skills training. At mula diyan, talagang pwede na tayong magpasalamat kasi magagamit ang skills na yan para makapag trabaho at makapagnegosyo tayo. Isa pa, tinipon tayong lahat para marinig ang boses nating mga kababaihan na kaya nating bumangon at lumaban para sa ating pamilya.” ayon kay Amera Ali, isang survivor na kasalukuyang nakatira sa munisipalidad ng Balo-i, Lanao del Norte.
Natapos ang tatlong araw sa pamamagitan ng Solidarity Night. Isang gabi na puno ng kasiyahan, pakikipagkapwa, at pagbabahagi ng mga dunong at karanasan.
Isang malaking pasasalamat ng buong EcoWEB sa mga partisipante sa paglaan ng oras at pagsisikap upang maisagawa ang layunin ng akribidad lalo na sa Plan International at USAID na nagbigay ng suporta para matulungan ang mga kababaihan ng ating mga komundad. Hinahangad ng organisasyon ang mapabuti ang kalagayan ng kababaihan at makasama sila sa paggawa ng desisyon.
Panulat | Arven Arceno
Mga Litrato | EG Lacre