60 kabataan lumahok sa Civic Engagement Training for Young People, pagkakaisa pinalakas

Gasgas man sa ating pandinig ngunit hindi parin maikakaila na ang mga kabataan ay ang pag-asa ng bayan. Sila ang nagbibigay boses ng mamamayan na pinagkaitan ng katarungan. Ngunit sa bawat lakas ng boses ay nakaangkla ang suliraning nagpapahina at humihila paurong.

Isa sa mga programa ng Marawi Response Project o MRP ay ang pagbibigay ng oportunidad at pagpapaangat ng mga kabataan sa lipunan. Kakambal nito ay ang pagtukoy sa mga suliraning nagpapabagal sa takbo ng kanilang adbokasiya.

Isinagawa ang Civic Engagement for Young People and Cluster Based Learning Review noong ika-18 hanggang ika- 19 ng Setyembe, 2019 na ginanap sa Mingkay’s Beach Resort, Initao, Misamis Oriental. Ito ay pinangunahan ng EcoWEB kasama ang Plan International at United States Agency for International Development o USAID.

60 kabataan mula sa iba’t ibang barangay na kinasasakupan ng Lanao del Sur, Lanao del Norte at Iligan City ang dumalo na may hangaring maisaboses ang mga dagok sa kanya-kanyang komunidad na mistulang naging hadlang sa pagbabagong nais makamtan.

Bago tukuyin ang mga oportunidad na pwedeng maipamahagi ay dumaan muna sila sa isang diskusyon at pagbibigay ng mga aktibidad upang malaman ang mga kinakaharap na suliranin ng mga kabataan sa kasalukuyan. Ang nasabing aktibidad ay ginawa sa pamamagitan ng pag klaster ng mga kalahok na kabilang sa sector ng Barangay Local Government Unit (BLGU), Survivors/IDPs at Host Community.

Nagsimula ang aktibidad sa pamamagitan ng paglathala ng hangarin na nais ipaabot ng grupo sa mga kinauukulan. Base sa mga natukoy, ang nangingibabaw na hinanaing ay ang pagkakaroon nang pantay-pantay na pananaw sa sarili at respeto sa bawat-isa na walang diskriminasyon sa kasarian, relihiyun at itsura. Nais din isulong ng mga kabataan ang pagkaka-isa upang palawakin ang kapayapaan. Binigyan din ng importansya ng mga kabataan ang hinggil sa pagbibigay-halaga sa ating kalikasan at sangkatauhan.

Ilan pa sa mga natukoy ng mga kalahok ay ang paglaki ng antas ng mga kabataan na naging biktima sa masamang bisyo o tinatawag na droga. Hinaing din ng mga kabataan na isulong ang pagkakaroon ng oportunidad na mapagkakakitaan ng pera upang malabanan ang masamang gawain na ikakasira ng kanilang kinabukasan.

Pangalawa, ay ang pagtaas ng bilang ng mga kabataang nagkakasakit ng HIV/AIDS. Ito ay dahil sa kawalan ng proteksyon at pakikipag-ugnayan sa prostitusyon. Maaaring ang kawalan ng edukasyon ay isa sa mga dahilan kung bakit malaki ang bilang ng mga kabataang naligaw ng landas.

Binigyang boses ng mga kabataan ang kanilang mga suliranin upang maipaabot sa ibang kabataan na dumaranas din ng ganitong problema hindi lamang sa syudad ng Marawi pati na rin sa kani-kanilang kumunidad.

“Mabibigyan natin ng solusyon ang problema sa bawat kumunidad kung tutulong tayo sa kapwa kabataan na maisakatuparan ang kanilang mga plano sa buhay. Pwede rin kami sumali sa mga pagsasanay na binibigay ng gobyerno sa amin upang makuhanan ng hanap-buhay upang mamuhay ulit ng payapa at mabigyan din ng atensyon ang suporta na galing sa gobyerno na may kakayahan na tumulong sa amin.” ayon kay Hidayah Talib na isang IDP na kasalukuyang nakatira sa Brgy. Paraoh, Kapai, Lanao del Sur.

Ang aktibidad ay nagtapos sa isang amazing race kalakip nito ang pagpapatag ng relasyon at pakikipagkapwa nga mga kabataan. Lumahok din sila sa Gabi ng Pagkakaisa o Solidarity Night at nagbahagi ng mga katalisikan sa aktibidad na isinagawa at pagbahagi ng kanilang karanasan kasama na rin ang pagbibigay ng kits at mga pa-premyo.

Isang hindi mabayarang pasasalamat ang nais iparating ng EcoWEB sa mga kabataan na lumahok sa nasabing aktibidad. Nagpapasalamat ang organisasyon sa paglaan nila ng oras at pagsisikap na ito ay mapagtagumpayan at maisakatuparan ang layunin ng aktibidad. Kasama na rin dito ang Plan International at USAID sa walang-sawang pagbibigay suporta para matugunan ang ilan sa mga pangangailangan ng mga kabataan sa kumunidad. Umaasa parin ang organisasyon sa patuloy na pakikibaka ng mga kabataan na maisulong ang kanilang adhikain at maging mabuting ehemplo na mamamayan.

Panulat | Geomel Romorosa
Nag-ambag |Arven Arceno
Mga Litrato | EG Lacre

#BuildingPartnershipEmpoweringCommunities
#SurvivorAndCommunityLedResponse
#USAIDMarawiResponseProject
#KabataangEcoweb
#EmpoweredYouth